[THE MINDANAO TODAY] 1ST NEURODIVERGENT SUMMIT SA 'PINAS, INILUNSAD
Ulat mula sa News Wire ng Manila Star (Balitang Nasyunal)
Kasabay ng paggunita ng World Autism Month ngayong Abril ay matagumpay na inilunsad ng Candent Learning Haus (CLH) ang kauna-unahang Neurodivergent Summit sa bansa. Ginanap ito sa makasaysayang St. Cecilia’s Hall ng St. Scholastica’s College sa lungsod Maynila.
Ang summit na may temang “Amplifying Neurodivergent Voices: A Summit for Change” ay nagsilbing daan para isulong ang mga konkretong hakbang para sa tunay na inklusyon. Layon nitong bumuo ng lipunan kung saan ang mga neurodivergent na indibidwal ay hindi lamang tinatanggap, kundi aktibong kabahagi ng pangkalahatang komunidad.
Tampok sa aktibidad ang pagpapakilala sa programang L.I.F.E. o Learning Independence from Meaningful Experiences. Isa itong progresibong framework na idinisenyo upang ihanda ang mga kabataang neurodivergent mula sa loob ng silid-aralan patungo sa pagiging malaya at produktibong mamamayan.
“We are not simply teaching skills; we are fostering a sense of belonging - binibigyan namin sila ng boses at pakiramdam na sila ay kabilang,” ani Joji Jonellie Reynes-Santos, na nagtatag ng Candent noong 2007 kasama ang kanyang asawang si Benjie Santos.
Nakiisa rin sa panawagan si Atty. Anna Regina ‘Apples’ Batuhan, isang matatag na advocate at ina ni Megan. Binigyang-diin niya na ang neurodiversity ay dapat ituring na normal at mahalagang bahagi ng pagkatao.
“Ang summit na ito ay hindi lang tungkol sa pakikilahok; ito ay tungkol sa tunay at radikal na inklusyon,” ani Atty. Apples.
Ibinahagi rin niya kung paanong ang sining ay nagsisilbing mabisang tulay para maipahayag ng mga neurodivergent ang kanilang saloobin na madalas ay hindi naipararating ng salita.Nagbahagi rin ng kani-kanilang kaalaman ang mga eksperto gaya nina Dr. Alexis Reyes ng St. Luke’s BGC at Professor Stephen Shore ng Adelphi University. Pinatunayan din ito ni Juan Alfonzo “Japonz” Dacumos, isang neurodivergent na graduate ng De La Salle University.
Naisakatuparan ito sa pakikipagtulungan ng St. Scholastica’s College Manila sa pangunguna ni Sr. Agnella Capili, OSB, Dean ng School of Music. (DBF/NWM)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento